Sunday, June 1, 2014

Kasi Pasukan Na Naman

Na-enjoy mo ba 'tong mga nakalipas na buwan na nababawasan ng konti 'yung oras ng byahe mo sa umaga at uwian? Masaya ka ba na sa dalawang buwan na nagdaan ay nabawasan ang mga normal na traffic point ng dinadaanan mo? Pwes, tapos nang lahat ng 'yan dahil Hunyo nang muli, at isa lang ang ibig sabihin nyan sa nakalipas na ilang dekada: Pasukan na naman!

Good morning everyday nanaman!
image from http://wn.com
Bukas babalik na sa mga silid-aralan ang mga tsikiting na nag-enjoy din naman sa kawalan ng pasok, sa mga bakasyon sa beach, swimming pool, parke at iba pa, ,at nagsaya din sa paglalaro sa labas buong araw -- este, pagharap sa computer, tablet o cellphone buong araw. First wave palang yan, at sa mga darating na lunes ay padagdag na ng padagdag ang mga commuter na makakasabay natin sa kalsada dahil isa isa na ring nagkakaroon ng pasok ang mga eskwelahan at pamantasan. Syempre, mas maraming tao sa daan, mas maraming trapik.

Halos lahat naman tayo'y malapit nang magsawa sa mga araw araw na kaganapan na nagdadala ng trapik sa dinadaanan natin: mga bus, jeep, FX, taxi, traysikel, motorsiklo, siklista, barker, traffic enforcer, drayber at pasahero. Nakita na nating lahat 'yan at nasisi na natin ang lahat ng dapat sisihin sa mga pangyayaring yaon. Pero bakit nga ba hindi nalang natin tirahin 'yung issue mula sa ugat nito?

Karamihan sati'y sasabihing "wala kasing disiplina e," kapag nakakakita ng mga kapulpulan sa daan, pero naisip na ba natin na walang panggagalingan ang disiplina kung hinid kaalaman? "Common sense is not so common," ika nga. So bakit di nating gawing common ang common sense?

Tutal naman kakapalit lang natin ng basic education structure ng bansa (K+12), bakit hindi pa natin isaksak sa curriculum ng Elementary ang Basic Rules of The Road? Di naman kaya'y isingit natin sa syllabus ng bawat baitang ng Sibika at Kultura (meron pa ba nito?) ang usapin tungkol sa tamang paggamit ng kalsada? Sa paningin ko, kaakibat na ng "Sibika" ang pag gamit ng kalsada sa panahong ito, at sa nakalipas na isang siglo na rin naman.

E bakit ba, may butas e!
image from http://hoy-unggoy.blogspot.com
Palibhasa'y palagay natin simpleng simple ang mga nakalagay na senyas sa mga kalsada natin: "Walang Tawiran, Nakamamatay", subalit ang hindi natin naiisip, ay kung bakit hindi ito sinusunod ng mga tao. Halimbawa, sa mga tawiran sa kanto, bakit kahit berde ang ilaw ng isang lane ng mga sasakyan ay may tumatawid? Kadalasa'y tinatawag lang nating tigas ng ulo ang mga gawaing ganito, pero 'di kaya kaya nila ito nilalabag ay hindi nila alintana ang dahilan kung bakit ito kailangang sundin, bukod pa sa basic na "masasagasaan ka kasi"?

Marahil mas makakabuti din kung sa kalagitnaan ng pag-a-aral ng isang tao'y matuto din syang  magpatakbo ng sasakyan sa kalsada, para naman ma-experience ng lahat ang lahat ng aspeto ng paggamit ng kalsada. Siguro kung ganito ang mangyari, mababawasan ang mga aksidente sa mga kalsada natin.

Para alam natin 'yung side ng drayber, at side ng pedestrian
image from http://usatoday.net
Palagay ko nama'y mas mainam na umpisahan natin ang edukasyon sa paggamit ng kalsada sa pagkamusmos ng isang tao, kesa ituro ito sa teen years n'ya kung saan may mga balakid na sa pang-unawa, katulad ng mga kasanayan na. Bakit ako makikinig sa'yo ngayon kung nagawa ko ito buong buhay ko nang hindi ako namamatay?

Pag-gamit nga ng kompyuter itinuturo natin sa mga bata, bakit 'yung simple at araw-araw nating ginagamit na kalsada, hindi natin maituro ang pag-gamit?

--

Di ka pa ba nagsasawa sa trapik?
Wag kalimutang i-follow kami sa twitter: http://twitter.com/BakitTrapik
at i-like ang Facebook page: http://facebook.com/bakittrapik
pagusapan natin, dahil kung sama sama tayo sa isang layunin, kakayanin natin!