Wednesday, February 19, 2014

Kasi May Ginagawang Kalsada

Eto na. Finally, matapos ang ilang dekadang paghihintay, ma-a-upgrade nang muli ang mga kalsada ng Metro Manila sa isang malaking paraan! Kaya lang may kasama 'tong problema, na wala tayong magagawa kundi tiisin. Yan ang trapik.

image from skyscrapercity.com / user metalblock
Pero diba, sanay naman na tayo sa araw-araw na bigat ng daloy ng trapik pag bumabyahe tayo papasok at pauwi? Di nga ba't kalkulado na nga natin iyong oras na kailangan natin para makarating sa pupuntahan natin nang hindi nale-late, at alam din natin iyong oras na kapag umalis tayo, ay siguradong late na tayo? Babaguhin nating lahat yan pansamantala, upang pagbigyan ang pagbabago.

image from philstar.com
Ito ang panukala: isang multi-level na elevated road, mas kilala sa tawag na Skyway Phase 3, na magdurugtong sa North Luzon Expressway at South Luzon Expressway. Ang Skyway ay isa sa mga pinakamalaki at pinaka-kumain ng oras na proyekto ng pamahalaan upang makatulong sa daloy ng trapiko. Sinimulan itong gawin kalagitnaan ng 1990s at nagbukas sa publiko ang mga unang exit nito (Buendia, Amorsolo, Magallanes) noong 1997, ang Don Bosco Ramp noong 2002, ang NAIA3 Ramp noong 2010, at ang mga exit para sa Alabang at Sucat noong 2011. Sa pagitan ng mga taong ginagawa ang mga ito, kakaibang daloy ng trapik ang naranasan ng mga dumadaan sa South Luzon Expressway (SLEX), subalit nang natapos an ang lahat, ginhawang byahe na ang nararanasan sa katimugang bahagi ng Metro Manila. Di nga ba't para makarating ka ng Makati galing ng Alabang ngayon ay kailangan mo lang ng 15 minutos? At syempre, mga P180.

Bukod pa sa Skyway Phase 3 na inaasahang matapos at magbukas bago ang katapusan ng panunungkulan ng Pangulong Aquino sa 2016, ilang malalaking infrastructure project pa ang sisimulang gawin ngayong taon, na may kaparehong target operational date. Ang mga ito ay tangkang sagutin ang ilan sa mga intersection na malaking problema sa araw araw. Ilan sa mga susunod na uumpisahan ay ang:



Gil Puyat-Makati Avenue-Paseo de Roxas Underpass
4 Lanes na underpass sa kalagitnaan ng Buendia (Senator Gil J. Puyat Ave) na magsisimula bago ang kanto ng Paseo De Roxas (Kung galing ng EDSA) at aangat muli paglampas sa kanto ng Makati Avenue, upang i-bypass ang mga traffic light sa magugulong kantong ito.

image from pasay.gov.ph
EDSA-Taft Avenue flyover
Isang flyover na matagal nang kailangan. Kadalasan, kung may pupuntahan ka sa bahagi ng Pasay, iiwasan mo na ang pagdaan sa kanto ng EDSA at Taft Avenue, dahil siguradong habang nasa Makati ka pa lamang, hihinto na ang traffic sa Ayala Avenue Tunnel, lalo na kung rush hour. Ang flyover na ito ay layong maiwasan na ang pakikisabay sa magulong kantong ito na babaan at sakayan ng mga pasahero sa lahat ng sasakyan (Jeep, Bus, Taxi, Pedicab, MRT, LRT).

image from inquirer.net
Espana Avenue-Lacson Avenue interchange
Sa ikagiginhawa ng ating mga estudyanteng nag-a-aral sa university belt sa Maynila tuwing umaga. Ang flyover na ito ay itatayo sa kahabaan ng Arsenio H. Lacson Avenue (Gov. Forbes) upang tawirin ang Espana Avenue. Layon nito na hindi na pahintuin sa kanto ang mga container truck na dumadaan sa Lacson (ang Lacson o Forbes ave ay bahagi ng Truck Route na humahantong sa Manila North Harbor), na nagiging sanhi ng trapiko kadalasan.

EDSA-Roosevelt Interchange
Upang maibsan ang problema ng mga taga Norte sa umaga na dala ng paghinto ng mga pampublikong sasakyan sa Munoz, isang flyover ang itatayo sa kahabaan ng EDSA. Tatawirin nito ang panulukan ng Congressional Avenue, Roosevelt Avenue, at EDSA.

image from smdiconsultants.com
EDSA-West Avenue-North Avenue interchange
Isa ito sa mga mas-komplikadong proyekto sa mga gagawin sa mga susunod na taon. Layon nitong tanggalin ang suliranin ng pagdaan sa dalawang dambuhalang mall, tatlong nagsasangang kalsada, at isang malaking istasyon ng tren (na sisimulan din kasabay nito) sa nagiisang panulukan. Itatayo ang isang deretsong flyover sa magkabilang panig ng EDSA (tawagin natin itong bypass). Sa ibabaw ng bypass, itatayo naman ang isang flyover na tatawid mula sa North Avenue patungo sa West Avenue, at katabi nito ay isang flyover mula sa EDSA Southbound patungo ng North Avenue. Bonus pa dito ang isang left-turn flyover mula sa North Avenue patungong Mindanao Avenue para maiwasan na ang paghinnto sa traffic light dito.***

image from urbanrail.net
Ilan pa lamang 'yan sa mga sisimulang upgrade sa mga kalsada natin sa kalakhang Maynila. Kasabay nyan ay ang pagpapalawig ng mga sistema ng tren patungo sa mas malayo pang maabot nito, tulad ng LRT 1 na pahahabain hanggang sa Cavite, at ang LRT 2 na pahahabain patungo sa Masinag sa Cainta. Dagdag pa rito ang paggawa sa common terminal ng LRT1 at MRT3 sa EDSA North Avenue Station, matapos ang ilang taong pagkakadugtong ng dalawang sistema ng tren.

image from papillon-imaging.blogspot.com
Hindi naman na tayo bago sa pagtitiis sa trapiko, at lalaong hindi tayo dapat matakot ngayon. Mantakin nyo na lang, ginawa ang dalawang underpass sa kahabaan ng Quezon Avenue sa Quezon City na isa sa mga pinakamagulong lansangan sa Metro Manila, ang LRT2 sa Aurora Boulevard na napaka-kipot, at ang MRT3 sa EDSA, na siya na yatang pinaka-busy na kalsada sa buong bansa. Lahat ng ito'y natutunan nating sabayan nang ginagawa ang mga ito, at talaga namang pinakikinabangan nating lahat mula nang matapos.

Huwag sana tayong madala sa mga headline ng mga balita at pangunahan ng takot. Makaka-adjust din tayo, at sa huli, laging isaisip na ang lahat ng ito'y para din naman sa ikagiginhawa nating lahat.

Sana nga lang naumpisahan ng mas maaga, pero ano nga ba naman ang magagawa natin sa red tape? Kung 'yun ngang sticker ng rehistro ng sasakyan natin nung 2013 wala pa hanggang ngayong 2014 na e, infrastructure pa kaya? (wink wink)


*** Ang impormasyong ito ay mula sa Japan International Cooperation Agency batay sa isang report noong 2008. Walang mahanap ang manunulat na iba pang impormasyon para sa proyektong ito sa oras ng pagsulat ng akdang ito.

--

Di ka pa ba nagsasawa sa trapik?
Wag kalimutang i-follow kami sa twitter: http://twitter.com/BakitTrapik
at i-like ang Facebook page: http://facebook.com/bakittrapik
pagusapan natin, dahil kung sama sama tayo sa isang layunin, kakayanin natin!

Thursday, February 13, 2014

Dahil Sa Parking

image from cfablog.org
May kaibigan akong nagsabi sakin na napaka-arte ko pagdating sa pagpili ng pupuntahan. Una sa lahat, ayaw na ayaw kong pumupunta sa mga mall, dahil bukod sa dami ng tao, ingay, at kawalan ng katuturan ng pagpunta kung wala namang kailangan, ayaw kong nagpaparada ng sasakyan, o maghanap ng lugar para pagparadahan. Oo, pwede namang hindi nalang magdala ng sasakyan, pero pumupunta ako sa mall kapag may kailangan akong bilhin, o hanapin. Sa pangkalahatan, kung makikipagkita lang naman ako sa isang tao, mas pipiliin ko nang sa mga establisimentong walang problema sa paradahan ako pumunta.

Ilang minuto din ang nawawala sa buhay natin habang naghahanap ng parking, tulad na din ng pa-iritang sambit ng aking kaibigan kamakailan nang naghahanap kami ng paradahan sa kahabaan ng Malingap street sa Teacher's Village. Tama s'ya, at bukod pa sa paghihintay, nakapagdulot din ako ng kaunting pila ng sasakyan sa likuran ko habang naka-hazard at pa-gapang na naghahanap ng paparadahan.

Kadalasang nagaganap ang mga ganitong tagpo sa mga lugar na puno ng mga kainan; ilan sa mga tukoy nang lugar na may ganitong sitwasyon madalas ay ang kahabaan ng Timog Avenue at Tomas Morato Avenue sa Quezon City, Kasama na din ang Maginhawa, Malingap, Matalino, sampu ng mga sangang kalsada sa loob ng Teacher's Village, ang Katipunan Avenue at Xavierville Avenue, ang hilera ng mga kainan sa loob ng BF Homes sa Paranaque, halos lahat ng kalsada sa bahagi ng Binondo at Sta Cruz sa Maynila kasama na din ang Quiapo, ang kumpol ng mga kainan sa Barangay Kapitolyo sa Pasig, at ilan pang puntahan ng mga tao upang kumain o mag-aliw.

Kung papansinin, karamihan ng mga lugar na ito'y maliliit na secondary road lamang, na di lalampas sa dalawang lane ang magkabilang panig. Katambal pa nito'y ang kakulangan sa sidewalk at road easement, o iyong espasyo sa pagitan ng gutter ng kalsada at ng pribadong istruktura. Ang road easement ay bahagi ng pag-a-ari ng gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng lokal na pamahalaan, subalit kadalasan, o halos sa lahat ng panahon, ay inaangkin ito ng mga may-ari ng establisimentong natatapatan nito.

Amin to ha. | image from http://d0ctrine.wordpress.com
Gamitin na lamang nating halimbawa ang mga negosyo sa kahabaan ng Ongpin Street sa Maynila. Madalas ay mahirap pumarada sa lugar na ito pagkat karamihan ng mag may ari ng mga tindahan dito'y inaangkin ang paradahan sa tapat nila. Hindi na bagong makarinig ng "naka-reserve po sa may-ari ito e" mula sa mga tauhan ng mga tindahan kung saang tapat mo sana gustong pumarada. Dulot ng ilang segundong usapan mula sa nagmamaneho at sa taong ito ay isang pila sa likuran nila na maaring umabot kung saan pa, depende sa pakikipagmatigasan ng parehong partido, at kung sinong unang bibigay.

Sinubukan itong solusyonan ng pamahalaan ng lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng paglalagay ng mga Parking Meter, tulad ng mga ginagamit sa ibang bansa, kung saan magbabayad ka ng pa-una para sa ilang minutong palugit ng pagparada sa isang lugar. Magandang adhika, kung sino man ang tanungin, subalit sumablay ito nang lumabas na nangangailangan kang bumili ng Parking Card, o isang prepaid card na gagamitin mo para makapagbayad sa Parking Meter. Defeats the purpose, ika nga, sapagkat ang mga Parking Card na ito'y kailangan mong bilhin mula sa City Hall ng Maynila, at sa ilang pagkakataong napadpad ako sa Binondo ay wala parin akong nakitang tao na nagbebenta ng mag Parking Card na ito.

/Update (15 Mar 2014): 
Nakapagpark na ko sa China Town gamit ang mga parking meter na ito. May mga parking attendant naman pala na nagbebenta ng parking card na halagang P100.00, na may laman nang kaparehong halaga. Tinanong ko 'yung nagbenta sakin, "Pano pag naubos yung load?" sagot nya "Tatawag lang namin yan ser." Ok na din. Ang masaya dito, mas malalaking halaga na ang ibibigay mo sa mga parking attendant ngayon kaysa sa dati na bente lang ang parada, walang resibo. Pero ok parin naman ang sistemang ito.

Pwede ka magpark dito, pero punta ka muna City Hall para bumili ng card. | image from gmanews.tv

Kabaligtaran naman nito'y may isang bansa, este lungsod sa kalkhang Maynila ang nakapagpatupad ng isang maayos na iskema upang lutasin ang suliranin nila sa Parking.

Ang lungsod ng Makati ay may mga ordinansang nagtatalaga ng Parking Slots para sa mga sasakyan na bumibisita sa kanilang Central Business District. Namamahala dito ang mga Parking Maid ng MAPSA (Makati Public Safety Administration; feel free to correct me on this), at kilala ang ahensyang ito ng lungsod bilang isa sa mga pinaka walang-takot at pinaka-istriktong lupon ng mga Traffic and Parking agents. Maari nating i-contest ang katotohanan sa likod ng paniniwalang iyon, subalit hindi ito ang nararapat na panahon.

Simple lang ang patakaran ng pagparada sa lungsod ng Makati, sa loob ng CBD: may takdang dami ng oras ka lamang maaring magtagal, para sa sa ilampung piso, at hindi ka maaring pumarada sa pagitan ng mga oras ng rush hour (5-9 AM, 5-7PM). Anumang paglabag dito'y may karampatang parusa -- hahatakin ng tow truck ang iyong sasakyan at matatagpuan mo na ito sa impound lot ng Makati (Sa huli kong pagkakaalam ay sa may tapat ito ng Makati Medical Center, sa tanggapan ng MTPB) kung saan magbabayad ka ng multa upang mabawi ang iyong sasakyan. Pero siempre, marami parin ang lumalapastangan sa mga patakarang ito, kasi nga, lahat tayo ay ispesyal.

Maliwanag? | image from http://life-in-makati.blogspot.com
Kakalipas lamang ng kapaskuhan, at lingit sa pansin nati'y karamihan ng gulo sa trapiko sa mga kalsada ng kalakhang Maynila noong panahong iyon ay dahil sa mga parking lot - lumalabas man o pumipila papasok. Ilang araw bago ang pasko, nakasaksi ako ng isang mahabang pila ng mga sasakyang nakapila papasok ng Trinoma sa Quezon City, na ang dulo'y umabot na sa northbound lane ng EDSA, na nagdulot ng mabigat na pagdaloy ng trapiko sa lugar. Hindi naman natin ito maiiwasan, siempre, lalo na't panahon ito ng pagpunta sa Mall.

Nauuso na din ngayon ang mga District Center, o mga maliliit na open mall, na puno ng mga kainan at pailan-ilang pamilihan ng mga damit o ano pa. Isa sa mga pinakabagong lugar tulad nito ay ang UP Town Center na nasa kahabaan ng Katipunan Avenue, bahagi ng C5. Ang dating tahimik na paakyat na kalsada papasok ng Balara'y nakasasaksi na ngayon ng matinding pagsisikip ng trapiko dahil lamang sa iilang taong special. "Hindi naman ako magtatagal," sambit ng mga ito sa gwardyang nais siyang paalisin at palipatin sa paradahan. Bakit nga naman ba ako magbabayad ng ilampung piso para pumarada ng sampu, dalawampung minuto? Ulitin pa ito ng ilang beses at mayroon ka nang dalawang lane na punong puno ng mga sasakyan na naka-hazard. Bukod pa diyan, mukhang hindi sapat ang laki ng paradahan ng naturang lugar sapagkat minsa'y naaabutan kong nakaparada ang mga sasakyan sa kahabaan ng kalsada, hanggang sa may tapat ng UPIS, kadalasan sa gabi.

image from http://foreclosurephilippines.com
So bakit may ganitong suliranin ang kalakhang Maynila? Simple lang naman ang sagot diyan: Walang foresight. Ang kalakhang Maynila, sa paglipas ng mga nakaraang dekada, ay hindi pinaghandaan ang pagdami ng mga pribadong sasakyan na lilibot dito. Bakas ito sa mga kalsadang maliit, na kadalasa'y wala pang bangketa. Sa huli kong pagkakaalam ay dapat na mayroong dalawang metro (2 meters) na easement ang lahat ng istrukturang itatayo mula sa gutter ng kalsada upang magsilbing bangketa, at makeshift Parking kung kinakailangan. Natupad naman ito sa kahabaan ng Tomas Morato at Timog sa Quezon City, at hindi ba't pinaglaanan pa nga ng pamahalaang panlungsod ang pagpapaganda ng mga ito? Subalit hindi parin sapat ang paradahan para sa ilan libong sasakyang nasa lugar na iyon sa bawat sandali.

Maraming maaaring maging solusyon sa suliranin ng Parking sa Metro Manila, at dahil konektado ang mga sumusunod:

1. Sweldo
2. Presyo ng Gasolina
3. Red Tape
4. Presyo ng Lupa
5. Kagustuhan ng Gobyerno
6. Kagustuhan ng Tao
7. Presyo ng Kuryente
8. Presyo ng Sasakyan
9. Kabuuang ekonomiya

mahihirapan tayong makahanap ng mutually acceptable na solusyon para sa lahat ng stake holder. Ang solusyon ba ay makatutulong sa pagganda ng daloy ng trapiko? Ang halaga ba ng parking fee ay pasok sa budget ng ordinaryong mamamayan? Magkano ang lupa, at mababawi ba ng kapitalista ang iginugol nya para sa lupang ito? Magkano ang kuryente na gagamitin upang pailawan ang parking lot na ito? Ilang tao ang magpapatakbo at magbabantay nito at magkano ang suswelduhin nila? Marami pang tanong, at habang dumadami ang nasasagot, dumadami ang nadadagdag na tanong.

So anong gagawin natin para makatulong?

Madali lang 'yan. Akala mo lang hindi. | image from http://artformanliness.com
1. Matuto kang magpark ng maayos. Basic na itinuturo kahit sa pinakapulpol na driving school ang parallel parking. Hindi tamang marinig sa isang lisensyadong nagmamaneho na "di ako marunong magpark" o "hindi ko kaya magpark ng ganito e". Kung hindi kayang magparallel park, lisanin ang lugar at maghanap ng parking na angkop sa kakayanan.

2. Magpark ng mabilis. Alam kong mahal ang sasakyan mo, pero dahil sasakyan mo yan, responsibilidad mong malaman ang mga hangganan at kakayanan ng sasakyan mo. Kung limang beses mo nang sinubukang magpark at hindi mo magawa, lisanin ang parking lot, iuwi ang sasakyan, at mamasahe pabalik sa pupuntahan.

3. Kung walang parking, umalis na agad, o di naman kaya'y humanap ng lugar na hindi ka makaiistorbo sa daloy ng trapik upang mag-hazard at maghintay.

Kung pati pagkuha ng parking ticket ini-instagram mo, umalis sa parking lot, magbayad, at pumunta sa ospital. Maghanap ng psychiatrist upang malunasan ang sakit. | image from http://thenorthernecho.uk
4. Wag magtagal sa mga ticket dispenser. Simple lang naman yan kadalasan: pipindot ka ng buton at makukuha mo ang parking ticket. Alis agad. Minsann nama'y may taga bigay ng parking ticket; pagkakuha nito, alis agad. Mamaya mo na isipin kung saan mo ilalagay yung parking ticket dahil may naghihintay sa likod mo. Kung bayad-agad ang gusto ng parking lot, wag mamulot ng barya sa baryahan mo at magbilang ng P45.00 na gawa sa piso. Magbibilang ka, magbibilang din yung parking attendant.

As a general rule, bakit hindi nalang natin laging isaisip ang mga kapwa nating gumagamit ng mga pampublikong lugar? Ayaw nating maantala, kaya't wag tayong gumawa ng dahilan upang makaantala. Isa ito sa mga koda ng basic human decency. At kung hindi naman ito maiiwasan, nakakalubag na din ng loob sa mga naatrasong drayber ang simpleng paghingi ng paumanhin sa pagpapahintay. (kaunting busina, kamay na paumanhin, o pagbulong ng "sorry" na nakikita sa paggalaw ng labi)

--

Di ka pa ba nagsasawa sa trapik?
Wag kalimutang i-follow kami sa twitter: http://twitter.com/BakitTrapik
at i-like ang Facebook page: http://facebook.com/bakittrapik
pagusapan natin, dahil kung sama sama tayo sa isang layunin, kakayanin natin!