Wednesday, February 19, 2014

Kasi May Ginagawang Kalsada

Eto na. Finally, matapos ang ilang dekadang paghihintay, ma-a-upgrade nang muli ang mga kalsada ng Metro Manila sa isang malaking paraan! Kaya lang may kasama 'tong problema, na wala tayong magagawa kundi tiisin. Yan ang trapik.

image from skyscrapercity.com / user metalblock
Pero diba, sanay naman na tayo sa araw-araw na bigat ng daloy ng trapik pag bumabyahe tayo papasok at pauwi? Di nga ba't kalkulado na nga natin iyong oras na kailangan natin para makarating sa pupuntahan natin nang hindi nale-late, at alam din natin iyong oras na kapag umalis tayo, ay siguradong late na tayo? Babaguhin nating lahat yan pansamantala, upang pagbigyan ang pagbabago.

image from philstar.com
Ito ang panukala: isang multi-level na elevated road, mas kilala sa tawag na Skyway Phase 3, na magdurugtong sa North Luzon Expressway at South Luzon Expressway. Ang Skyway ay isa sa mga pinakamalaki at pinaka-kumain ng oras na proyekto ng pamahalaan upang makatulong sa daloy ng trapiko. Sinimulan itong gawin kalagitnaan ng 1990s at nagbukas sa publiko ang mga unang exit nito (Buendia, Amorsolo, Magallanes) noong 1997, ang Don Bosco Ramp noong 2002, ang NAIA3 Ramp noong 2010, at ang mga exit para sa Alabang at Sucat noong 2011. Sa pagitan ng mga taong ginagawa ang mga ito, kakaibang daloy ng trapik ang naranasan ng mga dumadaan sa South Luzon Expressway (SLEX), subalit nang natapos an ang lahat, ginhawang byahe na ang nararanasan sa katimugang bahagi ng Metro Manila. Di nga ba't para makarating ka ng Makati galing ng Alabang ngayon ay kailangan mo lang ng 15 minutos? At syempre, mga P180.

Bukod pa sa Skyway Phase 3 na inaasahang matapos at magbukas bago ang katapusan ng panunungkulan ng Pangulong Aquino sa 2016, ilang malalaking infrastructure project pa ang sisimulang gawin ngayong taon, na may kaparehong target operational date. Ang mga ito ay tangkang sagutin ang ilan sa mga intersection na malaking problema sa araw araw. Ilan sa mga susunod na uumpisahan ay ang:



Gil Puyat-Makati Avenue-Paseo de Roxas Underpass
4 Lanes na underpass sa kalagitnaan ng Buendia (Senator Gil J. Puyat Ave) na magsisimula bago ang kanto ng Paseo De Roxas (Kung galing ng EDSA) at aangat muli paglampas sa kanto ng Makati Avenue, upang i-bypass ang mga traffic light sa magugulong kantong ito.

image from pasay.gov.ph
EDSA-Taft Avenue flyover
Isang flyover na matagal nang kailangan. Kadalasan, kung may pupuntahan ka sa bahagi ng Pasay, iiwasan mo na ang pagdaan sa kanto ng EDSA at Taft Avenue, dahil siguradong habang nasa Makati ka pa lamang, hihinto na ang traffic sa Ayala Avenue Tunnel, lalo na kung rush hour. Ang flyover na ito ay layong maiwasan na ang pakikisabay sa magulong kantong ito na babaan at sakayan ng mga pasahero sa lahat ng sasakyan (Jeep, Bus, Taxi, Pedicab, MRT, LRT).

image from inquirer.net
Espana Avenue-Lacson Avenue interchange
Sa ikagiginhawa ng ating mga estudyanteng nag-a-aral sa university belt sa Maynila tuwing umaga. Ang flyover na ito ay itatayo sa kahabaan ng Arsenio H. Lacson Avenue (Gov. Forbes) upang tawirin ang Espana Avenue. Layon nito na hindi na pahintuin sa kanto ang mga container truck na dumadaan sa Lacson (ang Lacson o Forbes ave ay bahagi ng Truck Route na humahantong sa Manila North Harbor), na nagiging sanhi ng trapiko kadalasan.

EDSA-Roosevelt Interchange
Upang maibsan ang problema ng mga taga Norte sa umaga na dala ng paghinto ng mga pampublikong sasakyan sa Munoz, isang flyover ang itatayo sa kahabaan ng EDSA. Tatawirin nito ang panulukan ng Congressional Avenue, Roosevelt Avenue, at EDSA.

image from smdiconsultants.com
EDSA-West Avenue-North Avenue interchange
Isa ito sa mga mas-komplikadong proyekto sa mga gagawin sa mga susunod na taon. Layon nitong tanggalin ang suliranin ng pagdaan sa dalawang dambuhalang mall, tatlong nagsasangang kalsada, at isang malaking istasyon ng tren (na sisimulan din kasabay nito) sa nagiisang panulukan. Itatayo ang isang deretsong flyover sa magkabilang panig ng EDSA (tawagin natin itong bypass). Sa ibabaw ng bypass, itatayo naman ang isang flyover na tatawid mula sa North Avenue patungo sa West Avenue, at katabi nito ay isang flyover mula sa EDSA Southbound patungo ng North Avenue. Bonus pa dito ang isang left-turn flyover mula sa North Avenue patungong Mindanao Avenue para maiwasan na ang paghinnto sa traffic light dito.***

image from urbanrail.net
Ilan pa lamang 'yan sa mga sisimulang upgrade sa mga kalsada natin sa kalakhang Maynila. Kasabay nyan ay ang pagpapalawig ng mga sistema ng tren patungo sa mas malayo pang maabot nito, tulad ng LRT 1 na pahahabain hanggang sa Cavite, at ang LRT 2 na pahahabain patungo sa Masinag sa Cainta. Dagdag pa rito ang paggawa sa common terminal ng LRT1 at MRT3 sa EDSA North Avenue Station, matapos ang ilang taong pagkakadugtong ng dalawang sistema ng tren.

image from papillon-imaging.blogspot.com
Hindi naman na tayo bago sa pagtitiis sa trapiko, at lalaong hindi tayo dapat matakot ngayon. Mantakin nyo na lang, ginawa ang dalawang underpass sa kahabaan ng Quezon Avenue sa Quezon City na isa sa mga pinakamagulong lansangan sa Metro Manila, ang LRT2 sa Aurora Boulevard na napaka-kipot, at ang MRT3 sa EDSA, na siya na yatang pinaka-busy na kalsada sa buong bansa. Lahat ng ito'y natutunan nating sabayan nang ginagawa ang mga ito, at talaga namang pinakikinabangan nating lahat mula nang matapos.

Huwag sana tayong madala sa mga headline ng mga balita at pangunahan ng takot. Makaka-adjust din tayo, at sa huli, laging isaisip na ang lahat ng ito'y para din naman sa ikagiginhawa nating lahat.

Sana nga lang naumpisahan ng mas maaga, pero ano nga ba naman ang magagawa natin sa red tape? Kung 'yun ngang sticker ng rehistro ng sasakyan natin nung 2013 wala pa hanggang ngayong 2014 na e, infrastructure pa kaya? (wink wink)


*** Ang impormasyong ito ay mula sa Japan International Cooperation Agency batay sa isang report noong 2008. Walang mahanap ang manunulat na iba pang impormasyon para sa proyektong ito sa oras ng pagsulat ng akdang ito.

--

Di ka pa ba nagsasawa sa trapik?
Wag kalimutang i-follow kami sa twitter: http://twitter.com/BakitTrapik
at i-like ang Facebook page: http://facebook.com/bakittrapik
pagusapan natin, dahil kung sama sama tayo sa isang layunin, kakayanin natin!

No comments:

Post a Comment

BABALA / WARNING / 警告中国

Filipino: Kung magpopost ka lang ng comment na pang-SEO ng kahit anong website, ha-huntingin kita at sasagasaan. :)

English: If you're here to post any SEO related comments, I will hunt you down and run you over :)

Chinese: 如果你在这里发表任何搜索引擎优化相关的评论,我会追杀你和运行你