image from cfablog.org |
Ilang minuto din ang nawawala sa buhay natin habang naghahanap ng parking, tulad na din ng pa-iritang sambit ng aking kaibigan kamakailan nang naghahanap kami ng paradahan sa kahabaan ng Malingap street sa Teacher's Village. Tama s'ya, at bukod pa sa paghihintay, nakapagdulot din ako ng kaunting pila ng sasakyan sa likuran ko habang naka-hazard at pa-gapang na naghahanap ng paparadahan.
Kadalasang nagaganap ang mga ganitong tagpo sa mga lugar na puno ng mga kainan; ilan sa mga tukoy nang lugar na may ganitong sitwasyon madalas ay ang kahabaan ng Timog Avenue at Tomas Morato Avenue sa Quezon City, Kasama na din ang Maginhawa, Malingap, Matalino, sampu ng mga sangang kalsada sa loob ng Teacher's Village, ang Katipunan Avenue at Xavierville Avenue, ang hilera ng mga kainan sa loob ng BF Homes sa Paranaque, halos lahat ng kalsada sa bahagi ng Binondo at Sta Cruz sa Maynila kasama na din ang Quiapo, ang kumpol ng mga kainan sa Barangay Kapitolyo sa Pasig, at ilan pang puntahan ng mga tao upang kumain o mag-aliw.
Kung papansinin, karamihan ng mga lugar na ito'y maliliit na secondary road lamang, na di lalampas sa dalawang lane ang magkabilang panig. Katambal pa nito'y ang kakulangan sa sidewalk at road easement, o iyong espasyo sa pagitan ng gutter ng kalsada at ng pribadong istruktura. Ang road easement ay bahagi ng pag-a-ari ng gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng lokal na pamahalaan, subalit kadalasan, o halos sa lahat ng panahon, ay inaangkin ito ng mga may-ari ng establisimentong natatapatan nito.
Amin to ha. | image from http://d0ctrine.wordpress.com |
Sinubukan itong solusyonan ng pamahalaan ng lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng paglalagay ng mga Parking Meter, tulad ng mga ginagamit sa ibang bansa, kung saan magbabayad ka ng pa-una para sa ilang minutong palugit ng pagparada sa isang lugar. Magandang adhika, kung sino man ang tanungin, subalit sumablay ito nang lumabas na nangangailangan kang bumili ng Parking Card, o isang prepaid card na gagamitin mo para makapagbayad sa Parking Meter. Defeats the purpose, ika nga, sapagkat ang mga Parking Card na ito'y kailangan mong bilhin mula sa City Hall ng Maynila, at sa ilang pagkakataong napadpad ako sa Binondo ay wala parin akong nakitang tao na nagbebenta ng mag Parking Card na ito.
/Update (15 Mar 2014):
Nakapagpark na ko sa China Town gamit ang mga parking meter na ito. May mga parking attendant naman pala na nagbebenta ng parking card na halagang P100.00, na may laman nang kaparehong halaga. Tinanong ko 'yung nagbenta sakin, "Pano pag naubos yung load?" sagot nya "Tatawag lang namin yan ser." Ok na din. Ang masaya dito, mas malalaking halaga na ang ibibigay mo sa mga parking attendant ngayon kaysa sa dati na bente lang ang parada, walang resibo. Pero ok parin naman ang sistemang ito.
Pwede ka magpark dito, pero punta ka muna City Hall para bumili ng card. | image from gmanews.tv |
Kabaligtaran naman nito'y may isang bansa, este lungsod sa kalkhang Maynila ang nakapagpatupad ng isang maayos na iskema upang lutasin ang suliranin nila sa Parking.
Ang lungsod ng Makati ay may mga ordinansang nagtatalaga ng Parking Slots para sa mga sasakyan na bumibisita sa kanilang Central Business District. Namamahala dito ang mga Parking Maid ng MAPSA (Makati Public Safety Administration; feel free to correct me on this), at kilala ang ahensyang ito ng lungsod bilang isa sa mga pinaka walang-takot at pinaka-istriktong lupon ng mga Traffic and Parking agents. Maari nating i-contest ang katotohanan sa likod ng paniniwalang iyon, subalit hindi ito ang nararapat na panahon.
Simple lang ang patakaran ng pagparada sa lungsod ng Makati, sa loob ng CBD: may takdang dami ng oras ka lamang maaring magtagal, para sa sa ilampung piso, at hindi ka maaring pumarada sa pagitan ng mga oras ng rush hour (5-9 AM, 5-7PM). Anumang paglabag dito'y may karampatang parusa -- hahatakin ng tow truck ang iyong sasakyan at matatagpuan mo na ito sa impound lot ng Makati (Sa huli kong pagkakaalam ay sa may tapat ito ng Makati Medical Center, sa tanggapan ng MTPB) kung saan magbabayad ka ng multa upang mabawi ang iyong sasakyan. Pero siempre, marami parin ang lumalapastangan sa mga patakarang ito, kasi nga, lahat tayo ay ispesyal.
Maliwanag? | image from http://life-in-makati.blogspot.com |
Nauuso na din ngayon ang mga District Center, o mga maliliit na open mall, na puno ng mga kainan at pailan-ilang pamilihan ng mga damit o ano pa. Isa sa mga pinakabagong lugar tulad nito ay ang UP Town Center na nasa kahabaan ng Katipunan Avenue, bahagi ng C5. Ang dating tahimik na paakyat na kalsada papasok ng Balara'y nakasasaksi na ngayon ng matinding pagsisikip ng trapiko dahil lamang sa iilang taong special. "Hindi naman ako magtatagal," sambit ng mga ito sa gwardyang nais siyang paalisin at palipatin sa paradahan. Bakit nga naman ba ako magbabayad ng ilampung piso para pumarada ng sampu, dalawampung minuto? Ulitin pa ito ng ilang beses at mayroon ka nang dalawang lane na punong puno ng mga sasakyan na naka-hazard. Bukod pa diyan, mukhang hindi sapat ang laki ng paradahan ng naturang lugar sapagkat minsa'y naaabutan kong nakaparada ang mga sasakyan sa kahabaan ng kalsada, hanggang sa may tapat ng UPIS, kadalasan sa gabi.
image from http://foreclosurephilippines.com |
Maraming maaaring maging solusyon sa suliranin ng Parking sa Metro Manila, at dahil konektado ang mga sumusunod:
1. Sweldo
2. Presyo ng Gasolina
3. Red Tape
4. Presyo ng Lupa
5. Kagustuhan ng Gobyerno
6. Kagustuhan ng Tao
7. Presyo ng Kuryente
8. Presyo ng Sasakyan
9. Kabuuang ekonomiya
mahihirapan tayong makahanap ng mutually acceptable na solusyon para sa lahat ng stake holder. Ang solusyon ba ay makatutulong sa pagganda ng daloy ng trapiko? Ang halaga ba ng parking fee ay pasok sa budget ng ordinaryong mamamayan? Magkano ang lupa, at mababawi ba ng kapitalista ang iginugol nya para sa lupang ito? Magkano ang kuryente na gagamitin upang pailawan ang parking lot na ito? Ilang tao ang magpapatakbo at magbabantay nito at magkano ang suswelduhin nila? Marami pang tanong, at habang dumadami ang nasasagot, dumadami ang nadadagdag na tanong.
So anong gagawin natin para makatulong?
Madali lang 'yan. Akala mo lang hindi. | image from http://artformanliness.com |
2. Magpark ng mabilis. Alam kong mahal ang sasakyan mo, pero dahil sasakyan mo yan, responsibilidad mong malaman ang mga hangganan at kakayanan ng sasakyan mo. Kung limang beses mo nang sinubukang magpark at hindi mo magawa, lisanin ang parking lot, iuwi ang sasakyan, at mamasahe pabalik sa pupuntahan.
3. Kung walang parking, umalis na agad, o di naman kaya'y humanap ng lugar na hindi ka makaiistorbo sa daloy ng trapik upang mag-hazard at maghintay.
As a general rule, bakit hindi nalang natin laging isaisip ang mga kapwa nating gumagamit ng mga pampublikong lugar? Ayaw nating maantala, kaya't wag tayong gumawa ng dahilan upang makaantala. Isa ito sa mga koda ng basic human decency. At kung hindi naman ito maiiwasan, nakakalubag na din ng loob sa mga naatrasong drayber ang simpleng paghingi ng paumanhin sa pagpapahintay. (kaunting busina, kamay na paumanhin, o pagbulong ng "sorry" na nakikita sa paggalaw ng labi)
--
Di ka pa ba nagsasawa sa trapik?
Wag kalimutang i-follow kami sa twitter: http://twitter.com/BakitTrapik
at i-like ang Facebook page: http://facebook.com/bakittrapik
pagusapan natin, dahil kung sama sama tayo sa isang layunin, kakayanin natin!
No comments:
Post a Comment
BABALA / WARNING / 警告中国
Filipino: Kung magpopost ka lang ng comment na pang-SEO ng kahit anong website, ha-huntingin kita at sasagasaan. :)
English: If you're here to post any SEO related comments, I will hunt you down and run you over :)
Chinese: 如果你在这里发表任何搜索引擎优化相关的评论,我会追杀你和运行你