Madalas, pag sabado ng gabi, madaling araw na ko umuuwi. Ayoko nang gamitin yung salitang "Gimik" kasi parang nakakatanda. Sabihin nalang natin na "I hang out with my friends" pag sabado ng gabi, at ang ending 'nun e uuwi ako ng bandang alas dos, alas tres ng madaling araw ng araw ng linggo. Kasama na sa pag-uwi na 'yun yung pag-enjoy sa mga kalsadang kadalasa'y pulang ilaw lang ang makikita mo pag oras ng kabihasnan, kaya naman ang takbuhan pag gabi e di baba sa 60-80kph, depende na kung nasan ka.
Iba rin yung saya sa Quezon Memorial Circle pag madaling araw, kasi para ka lang naglalaro, at hindi ka makikipagpatintero masyado sa mga rumaragasang bus na laging namumuwit ang jebs at pac-man ang peg sa pagkuha ng pasahero. So usually, liliko ako galing circle papasok ng Commonwealth Avenue nang nasa 60 hanggang 80 ang bilis. Kadalasan nito, may gugulat sakin na steel fences na nakatayo sa gitna ng kalsada. Syempre maluwag naman, so madali lang lumipat ng lane.
Ito ang kultura sa Commonwealth at Quezon Memorial Circle pag linggo: fitness activities. May spill-over din yan sa U.P. Diliman Oval, at sa ilang dako pa ng Metro Manila kung saan may maluwag na lugar para maglakad, tumakbo, magbisikleta, at iba pa. Walang naidudulot na gulo masyado ang mga gawaing ito kasi maluwag naman ang Commonwealth Avenue. Walong lane magkabila, na bumubuo ng labing anim na lane at isang malapad-lapad na center island kasya pa ang dalawang lane, pati na rin ang dalawang magkabilang malalapad na bangketa (na kadalasa'y paradahan ng mga residente doon). 'Di ba't perfect ito na venue sa mga aktibidad na dinadaluhan ng maraming tao?
Pero kaninang umaga, may naka-engkwentro akong matatalinong tao sa C5. Sa sobrang galing nila, napa-palakpak nila ako, at napahiyaw ng maraming beses. Ang galing galing kasi e.
|
poster image lifted from padyak.ph |
Sila ang mga organizer ng Tour of the Fireflies: isang event na nagaganap taon-taon sa nakalipas na labinlimang taon. Labing-apat na taon kong hindi nakita kung anong nangyayari sa event na ito, pero kaninang umaga, na-experience ko ng buong buo ang perwisyong idinudulot nito, kahit na isang beses lang sa isang taon.
Baka di ko pa nasabi, wala akong kahit anong masamang tinapay laban sa mga ganitong klase ng event. Sa totoo'y pabor pa ako sa mga ganito dahil minsan sa isang linggo, buwan, o taon, nagtitipon ang malaking lupon ng mga tao para magkaisa sa iisang adhika, anuman iyon. Pero may mga limitasyon naman yata dapat ang mga event na ganito.
Papunta ako ng airport kaninang umaga para maghatid, at natural sa akin ang gawing pinaka-unang option ang C5 sa kahit anong oras ng araw basta't papunta ng airport, lalo na kung linggo ng umaga. Bakit C5? Kasi ito 'yung kalsada na kakaunti lamang ang sira, una sa lahat. Pangalawa, isa ito sa mga pinaka-deretsong daan papuntang airport mula sa norte. Bukod pa dun, mabilis. Dun pala ako nagkamali.
Lumapag ako mula sa Ortigas-C5 flyover nang biglang tumigil ang trapiko. As in huminto at nagmistulang literal na parking lot ang C5 Pasig. Hinala ko nang may cycling event sa loob ng Tiendesitas kasi marami rami akong nakikitang siklista sa paligid mula Katipunan pa lamang. Hindi ko naisip na yung mga siklista pala e lalabas ng C5 at doon magbibisikleta.
|
parking lot. actual picture. |
Sa normal na araw, madali lang lusutan 'to. Pwede kang lumiko papasok ng Tiendesitas at umikot kung saan mo gusto - Oritgas Ave o Julia Vargas. Pero dahil nakahimpil ang trapik at dahil nasa loob ng Tiendesitas yung starting line nila, sarado din ang Tiendesitas kaya walang maikutan. Wala, ang nagawa lang namin ay maghintay na gumalaw ang daloy ng trapik.
Nangyari 'yun 30 minuto ang nakalipas.
Tatlumpung buong minuto. Isa isahin natin 'yung mga nangyari sa loob ng oras na 'yun.
1. Umabot ang traffic hanggang Katipunan Avenue.
Alam naman nating masikip ang C5. Apat na lane magkabila, at may panaka-nakang Uturn slot na sumasakop ng isa't kalahating lane magkabilang panig. Dagdag pa dito ang dami ng mga motoristang gumagamit ng C5 bilang primary thoroughfare mula sa kanilang mga pinanggalingan. Isama pa natin ang dalawang malalaking simbahang kadalasa'y de-kotse ang sumasamba, kaya naman gumagamit ng kalsada bilang parking lot kapag kulang na sa loob ng lote ng simbahan. Ano ulit ang sagot sa 1+1+1?
2. May mga nahuli sa mga dapat nilang puntahan.
Sige, medyo self-serving ito, pero totoo parin naman. Maraming dumadaaan sa C5 na papunta ng airport, galing ng Bulacan, Fairview, Marikina, Pasig, at iba pang mga lugar. Gaya ng sinabi ko sa itaas, isa ito sa mga direkta at isa sa mga pinakamabilis na ruta patungo ng airport. Kung naipit pa kami ng ekstrang sampung minuto sa gulo na iyon, hindi na nakasakay ng eroplano ang mga sakay ko at mistulang nagwaldas nalang sila ng ilang libong piso para kitain ng airline.
3. May namatay.
Eto hindi biro. Ilang kotse lamang sa likod ko ang layo ng isang ambulansyang nagpupumiglas sa trapik. Aligaga na kaming lahat ng drayber nang narinig namin ang sirena ng ambulansyang 'yon kasi hindi na namin alam kung pano naming pipihitin ang mga sasakyan namin para makadaan s'ya. Mukhang seryoso ang kalagayan ng nasa loob ng ambulansyang 'yun kasi hindi sya magkanda-ugaga sa pagsingit, at pagdaan niya'y ilang nurse ang nakita naming nakasakay, kasama ng isang aleng umiiyak sa loob. Sana nakunan ko ng litrato no? Baka pwedeng i-post sa Facebook page ng organizer nung event.
4. May kalakal na nabulok.
Siguro naman alam na din natin na ang C5 e ang natatanging daan na deretso mula NLEX hanggang SLEX, sa ngayon, hindi ba? At ang ilang aning gulay ay nagmumula sa Norte, at dinadala sa Katimugan gamit ang kalsadang ito. 'Yong order ni aling tetay sa Alabang Market na limandaang kilong romaine lettuce para sa mga salad ng mga taga Ayala Alabang, nabulok na. Pano na yung mga naka-vegan diet? O di kaya di makakain ng walang salad? Mawawalan na ng suki si aling Tetay n'yan, o kaya naman masesesante si Atey kasi di s'ya nakahana ng romaine lettuce. bukod pa sa nalugi ng ilang libong piso yung pobreng magsasaka sa Baguio na umaasa lang dito.
Sabihin mo mang maliit na bagay 'to, pero naisip mo na ba 'yung repercussion ng maliit na bagay na 'yun?
|
photo of the 14th Tour of the Fireflies, lifted from unfoldandcycle.com |
Kinalauna'y umandar ang trapik at naabutan ko 'yung pick-up ng MMDA na nagtatraffic habang gumagalaw. Di mo naman pwedeng bulyawan yung mga kasali sa event, kasi, for all they know, ok lang yung ginagawa nila kasi may permiso sila e. Ayun 'yung MMDA o, kumukumpas pa ng trapik. Hindi mo rin pwedeng sigawan yung enforcer, kasi hindi nya naman kasalanan na italga s'ya dun nung oras at araw na iyon. Pero nagpanting ang tenga ko sa isang kasali sa event na prentent prenteng namimisikleta sa gitna ng lane ng dapat na gumagalaw na traffic. Binaba ko ang bintana ko pagtabi ko sakanya, "hindi ba sobra sobra na?" ang tanong ko sakanya habang pinapakita sakanya yung guhit ng kalsada. 'Dun ako nakarinig ng isang babaeng "galit na galit a!" Aba teh, palit tayo pwesto, baka maintindihan mo 'yung pinag-ngangalit ko?
Na-imagine ko na din yung gusto nilang mangyari at that point: papunta sila ng Bonifacio Global City at the very least, kaya nang nalapit ako sa kanto ng Shaw Boulevard, iniliko ko na at nag-EDSA nalang ako.
I'm sure makakabasa ako ng mga magsasabing "e bakit kasi hindi ka nag-check muna ng social media," o kaya "in-announce naman yan a" Kailan kaya? babad ako sa social media, lalo na sa twitter. Bakit hindi ko kaya nalaman 'yung event? Kasi nga tanga ako no? Meron din namang magsasabi na "it's all for a cause," o kaya nama'y "ilang saglit na perwisyo lang naman," o di naman kaya, para gayahin ang sabi ng ating mahal na Pangulo, "But you didn't die right?" Siguro naman, sa hinaba haba ng blog na ito, alam na natin ang isasagot ko sa ganyan ano?
Eto 'yung tweet ng MMDA nung araw na 'yun, at lumabas ito sa feed ko habang nakahinto ako sa traffic sa C5. Binalikan ko lahat ng tweet ng MMDA hanggang November 21, 2013, at ito ang kaisa-isang tweet nila tungkol sa event na ito. Sa Facebook nila, walang kahit anong related sa Tour of the Fireflies.
Pumunta rin ako sa Tour of The Fireflies na Facebook group, at napag-alaman kong simula October 31, ang tanging in-a-announce nila ay sa Tiendesitas ang starting point. Tumingin pa ko sa isang link na naka-post sa isang comment sa isang post nila, at nahanap ko ang Facebook group na "We want bicycle lanes in the PH" at nakita ang isang post, tinatanong ang mga organizer ng event na ito kung ano ang ruta ng kanilang pamimisikleta, at hindi pa nila name-media blast ang rutang ito. Kung yung iniikutan nga ng Nazareno ng Quiapo kabisado na natin, taon taon paring paulit ulit na pinapalabas sa TV kung sa'n ito dadaan, bakit itong event na ito na may potensyal na magpatigil ng daloy ng trapik e hindi?
So narealize ko, after 18 paragraphs, na wala na yung objectivity nung blog post. Oo, badtrip kasi ako, at kasi alam kong may iba pang paraan para gawin ito ng hindi makakapagdulot ng perwisyo sa mga kapwa nating gumagamit ng kalsada. So para sa mga organizer ng Tour of the Fireflies, ito ang ilang mungkahi para sa susunod ninyong adhikain:
1. Ikalat ng maaga ang lahat ng impormasyon tungkol sa event na ito.
Internet po ang buhay at ikinabubuhay ko, at ako na ang unang magsasabi sa inyo na hindi lahat ng pagpapakalat ng impormasyon ay maidadaan sa Facebook, o sa Internet. Bukod pa doon, kailangan ng maagang impormasyon lalo na kung magsasara ng kalsada, at kailangang maikalat ito sa media na maikakalat sa kalkhan ng publiko. Kung hindi maiwasan, mahirap bang magpaprint ng tarpaulin na malaki at ipaskil sa ilang bahagi ng kalsadang maaapektuhan na nagsasabing "TRAFFIC ADVISORY: Wag ka dumaan dito, may ginagawa kami."? Nakapag-organisa kayo ng event at siguradong may pondo kayo para sa marketing. Ilang registration lang ba ang bibilangin para mabawi ang pinang-print sa tarpaulin?
2. Pumili ng kalsadang hindi mapeperwisyo kahit na idaos ang inyong event.
Gaya ng sabi ko, ayan ang Commonwealth Avenue. 16 lanes, kahit 8 dyan kunin n'yo, hindi magkakatrapik. Pag SONA nga ng Pangulo nakakadaan kami dyan ng matiwasay e, partida pa nun sarado ang buong southbound lane.
3. Gusto niyong pumunta ng BGC mula Tiendesitas? Go lang ng go.
Basta isang lane lang ang gagamitin niyo. 'Wag na 'wag n'yo lang pangyayarihin na humimpil ang daloy ng trapiko sa isang major arterial road. Ayaw n'yong natatrapik sa EDSA diba? Well lahat ng tao ayaw din. Maging Considerate.
4. Kung gusto n'yo naman, isara n'yo nalang ng tuluyan yung kalsada.
Pwede namang hinarangan n'yo nalang 'ang C5 mula sa isang kanto nito na pwedeng ikutan para maging bypass / alternate route, tulad ng Ortigas Avenue. Hindi 'yung na-trap pa yung mga tao sa isang bahagi nito na walang kahit anong opening, at 'yung nag-iisang pwedeng ikutan, e kinopo nyo din.
5. Eto naman para sa pamunuan ng MMDA.
Kayo ang natatanging ahensya na may hawak ng trapiko sa kabuuan ng C5, sa lahat ng bayang nadadaanan nito. Alam n'yo din ang capacity ng kalsada na ito, at alam n'yo ang nangyayari pag nagakakaron ng stand-still dito. Isa lang ang tanong ko: Pinayagan n'yo to?
Ako pa lang 'to. Ano pa kaya kung ibulalas din ng mga nahimpil sa traffic na 'yun ang mga saloobin nila?
Mga opinyon at Mungkahi ko lang naman ito. Hindi naman kasi dapat nagiging sanhi ng trapik 'ang mga ganito, hindi ba?
--
Di ka pa ba nagsasawa sa trapik?
Wag kalimutang i-follow kami sa twitter:
http://twitter.com/BakitTrapik
at i-like ang Facebook page:
http://facebook.com/bakittrapik
pagusapan natin, dahil kung sama sama tayo sa isang layunin, kakayanin natin!